Korte Suprema pinalawig ang operational capacity ng mga tanggapan nito mula October 20 hanggang 29
Pinayagan ng Korte Suprema ang mas maraming bilang ng mga kawani para pumasok sa mga tanggapan nito simula Oktubre 20 hanggang 29 matapos na ibaba sa Alert Level 3 ang NCR.
Sa memorandum order na inisyu ni Acting Chief Justice Estela Perlas- Bernabe, mula sa dating 15% ay 30% na ang operational capacity ng mga opisina at services sa Supreme Court sa mga nabanggit na petsa.
Hanggang 50% ng mga tauhan naman ang maaaring pumasok ng pisikal mula sa dating 30% sa Office of the Bar Confidant, Medical and Dental Services, Security Division, at Maintenance Division ng Korte Suprema.
Mula 9:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon ang opisyal na pasok ng mga court personnel.
Muling sinabi ng SC na ang mga papasok na empleyado on a rotation basis ay dapat na determinahin ng mga hepe ng mga tanggapan.
Pinaalala rin na dapat masuring mabuti ang kondisyon ng kalusugan ng mga staff sa pagpasok ng mga ito sa Korte Suprema at wala sila na kahit anumang sintomas ng COVID-19.
Samantala, hindi pa rin pinapahintulutan ang personal filing sa Korte Suprema sa mga nasabing petsa.
Moira Encina