Korte Suprema pinasasagot ang Office of the President sa petisyon ng Rappler laban sa pagbabawal ng Malacañang sa mga reporter na magcover kay Pangulong Duterte
Inatasan ng Korte Suprema ang Office of the President na maghain ng komento sa petisyon ng Rappler laban sa pagbabawal sa mga reporter nito na magcover sa mga public event ni Pangulong Duterte.
Sa dalawang pahinang notice of resolution ng Supreme Court en banc, binigyan ang Malacañang ng 10 araw para maghain ng komento.
Kasama sa mga respondents na pinagkukumento ay ang Office of the Executive Secretary, Presidential Communications Operations Office, Media Accreditation Registration Office at Presidential Security Group.
Pero hindi na muna inaksyunan ng Supreme Court ang hirit ng Rappler na magisyu ng TRO o ipatigil ang presidential ban.
Pinagbigyan naman ng Korte Suprema ang hiwalay petisyon ng ilang mamamahayag na maging intervenor o mapasama sa petisyon ng Rappler.
Ayon sa mga reporter ng Rappler, nalalabag ng coverage ban ang kanilang press freedom, free speech, due process at equal protection na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
Ulat ni Moira Encina