Korte Suprema pinayagan na rin ang Rapid Antigen test sa halip na RT- PCR test para sa mga dadalo sa Anti- Terror law oral arguments
Obligado pa ring magprisinta ng panibagong negatibong COVID-19 test results ang mga dadalo sa pagpapatuloy ng oral arguments sa mga Anti- Terror law petitions sa Pebrero 16.
Pero, pinayagan na rin ng Korte Suprema ang rapid antigen test sa halip na RT- PCR test.
Ito ay bilang konsiderasyon sa presyo o gastos dahil mas mura ang rapid antigen test kaysa RT-PCR test.
Kailangan muli na ang negatibong rapid antigen o RT- PCR tests ay kinuha sa loob ng 72 oras bago ang oral arguments sa darating na Martes.
Sa panibagong guidelines na inilabas ng Korte Suprema, sinabi rin na kailangang i-email ang COVID test results bago o sa ganap na alas-11 ng umaga ng Pebrero 16.
Layon nito na mabigyan ng sapat na oras ang SC Medical Services at SC Security para ma-validate ang mga dokumento.
Moira Encina