Korte Suprema sinimulan nang kuhanin ang pangalan ng mga judiciary employees na nais magpabakuna kontra COVID-19
Kinakalap na ng Korte Suprema ang pangalan at iba pang impormasyon ng hukom at kawani ng mga trial courts na nais magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito ay matapos mapabilang na ang judiciary workers sa ilalim ng A4 vaccine priority group ng gobyerno.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, ipinapasumite sa pamamagitan ng ibinigay na link online hanggang sa Abril 22 ang pangalan at iba pang personal na detalye ng lahat ng mga judges at court personnel ng first at second-level courts na gustong mabakunahan sa ilalim ng Priority Group A4.
Kung ang lungsod o munisipalidad ng kanilang place of residence ay hindi kasama sa mga nakasaad sa link ay pwede nilang piliiin ang pinakamalapit na lugar sa kanilang tinitirhan kung saan nais nila magparehistro at mabakunahan.
Inabisuhan din ang mga judiciary employees na magparehistro sa kani-kanilang LGUs sa oras na tumanggap na ang mga ito ng registrations sa nasa A4 category.
Ayon pa sa Office of the Court Administrator, ibabahagi nila sa NTF at LGUs ang mga nakalap na impormasyon para matiyak na may sapat na suplay ng anti- COVID vaccines para sa mga hukom at court employees.
Moira Encina