Korte Suprema, walang nakitang ‘compelling reason’ para humarap si Senador Leila de Lima sa oral arguments sa ICC withdrawal
Ibinasura ng Korte Suprema ang mosyon ng nakakulong na si Senador Leila de Lima na makadalo sa oral arguments kaugnay sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court o ICC.
Sampung mahistrado ang bumoto na huwag payagan na humarap sa ICC oral arguments sa August 14 si De Lima.
Ayon sa Korte Suprema, wala silang nakitang ‘compelling reason’ para personal na humarap si De Lima sa oral arguments.
Kasabay nito, hinimok ng Supreme Court ang mga partido sa kaso na maging mahinahon at iwasan na gumawa ng anomang bagay na makakagulo sa oral arguments lalo na’t intensely politically charged ang usapin.
Tanging sina acting Chief Justice Antonio Carpio at Associate Justice Francis Jardeleza ang bumoto na padaluhin ang senadora sa oral arguments.
Si De Lima ay kasama sa mga opposition senators na naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa pagbitiw ng Pilipinas sa ICC.
Sa kanyang apat na pahinang manifestation, nais ni De Lima na personal siyang maglahad ng argumento sa kaso.
Ulat ni Moira Encina
Please follow and like us: