Korte Suprema,naglatag ng contigency plan sakaling umulan at bumaha sa araw ng Bar Exams
Aarangkada na sa darating na Linggo, Nobyembre 3 ang 2019 Bar Examinations.
Isasagawa ang pagsusulit sa apat na linggo ng Nobyembre na gaganapin sa University of Sto. Tomas (UST) sa Maynila.
Kabuuang 8,245 Bar candidates ang inaasahang kukuha ng pagsusulit.
Si Supreme Court Associate Justice Estela Perlas -Bernabe ang 2019 Bar Exams Committee Chairperson.
Una nang sinabi ni Bernabe na ipapatupad ang two examiners per subject policy para tugunan ang dumaraming bilang ng mga Bar examinees.
Inalis din anya ang mga unfair trivia questions, obsolete topics at mga tanong na lumilito sa mga examinees.
Naniniwala din si Bernabe na hindi kailangang maging pahirap sa mga Law students ang Bar exams.
Humingi rin ng tulong at suporta si Bernabe sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila para sa gagawing Bar exams.
Isa sa mga hiniling ni Bernabe kay Manila Mayor Isko Moreno ay ang pagpapaigting ng seguridad sa loob ng UST at ang pagpapatupad ng liquor ban sa bisinidad sa panahon ng Bar exams.
Gayundin, ang deployment ng mga karagdagang ambulansya at rescue personnel mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ulat ni Moira Encina