Kudeta sa botohan sa House Speakership, malabo – Albay Cong. Joey Salceda
Duda si Albay Cong. Joey Salceda sa sinasabing posibilidad na magkaroon ng kudeta sa botohan sa House Speakership.
Ssa isang pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni Salceda na kumpiyansa sya na sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 22 ay masusunod ang kagustuhan ng Pangulong Duterte na term-sharing sa pagitan nina Taguig City Cong. Alan Peter Cayetano at Marinduque Cong. Lord Allan Velasco habang majority leader naman si Leyte Cong. Martin Romualdez.
Paliwanag ni Salceda, lahat ng tatlong mahigpit na magkakatunggali sa House speakership na sina Cayetano, Velasco at Romualdez ay pawang friendly naman.
Nakausap rin umano niya ang iba’t ibang partido at wala naman syang nakikitang may posibilidad na mangyaring kudeta.
Sa ngayon, pinagkakaabalahan rin aniya nila ang pagsasaayos ng mga komite sa Kamara para plantsado na ang lahat sa pagbubukas ng 18th Congress.
Ulat ni Madelyn Moratillo