Kulang na bayad ng LTFRB sa bus operators sa EDSA Carousel, nasa P20-M hanggang P36-M na lang
Bumibilis na raw ang pagbabayad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa bus operators at drivers na nagkakaloob ng libreng sakay para sa EDSA Carousel.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Cheloy Garfil na nasa dalawa hanggang tatlong linggo na lang ang delayed nilang bayad sa operators at drivers.
Aniya, tinatayang P10 milyon hanggang P12 milyon kada linggo ang bayad o pondo para sa nasabing free bus ride ng pamahalaan.
Ibig sabihin ay nasa P20 milyon hanggang P36 milyon ang nakatakda pang ibayad ng LTFRB sa bus operators.
Ayon naman kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ginagawa na ng LTFRB ang mga paraan upang mas maaga na mabayaran ang backlog sa billings sa operators at mga tsuper.
Inihayag naman aniya ng bus consortium na bumibilis na ang pagbabayad sa kanila.
Una nang inanunsiyo ng LTFRB na naibayad na nito ang mahigit P400 milyon sa mga EDSA Carousel bus operator.
Moira Encina