Kumpanya ng dating PBA player at 2 restaurant sinampahan ng tax evasion complaint ng BIR
Ipinagharap ng reklamong tax evasion sa DOJ ng BIR ang retailing company ng isang dating PBA star at dalawang restaurant business dahil sa hindi binayarang buwis na aabot sa halos 34 million pesos.
Una sa sinampahan ng paglabag sa tax code ang All Best Chodvale Development Incorporated sa Greenhills at ang Presidente nito na si dating PBA player at coach Franz Pumaren dahil sa 20.45 million pesos na pagkakautang sa buwis noong 2009.
Hinahabol din ng BIR ang Bistro Italiano sa Libis, Quezon City at ang Presidente at treasurer ng kumpanya dahil sa tax liability noong 2007 na 4.29 million pesos.
Kinasuhan din ng BIR ang Cebu Fiesta Island of the South Restaurant sa Araneta Center, Cubao, Quezon City at ang Presidente dahil sa tax deficiency na 7.99 million pesos noong 2008.
Ayon sa BIR, inabisuhan nila ang mga naturang kumpanya pero bigong bayaran ang kanilang long overdue taxes.
Ulat ni: Moira Encina