Kursong Meteorology ikinakampanya sa Kamara
Isinusulong ni Ang Probinsiyano Partylist Representative Alfred delos Santos na mag-alok ang gobyerno ng insentibo para ma-enganyo ang mga estudyante sa kolehiyo na kumuha ng kursong may kinalaman sa Meteorology.
Sinabi ni delos Santos ang Pilipinas ay prone sa mga kalamidad tulad ng malalakas na bagyo na nagdadala ng matinding pinsala sa buhay at kabuhayan kaya dapat palakasin ang weather forecasting sa bansa.
Ayon kay delos Santos aminado ang State Weather Bureau na Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration o PAGASA kulang ang mga meteorologist personnel.
Inihayag ni delos Santos pangunahing rason sa kakulangan ng mga meteorologist sa bansa ay ang mataas na demand sa abroad na nag-aalok ng mataas na suweldo.
Niliwanag ni delos Santos hindi lamang ang PAGASA ang nagkukulang sa mga weather scientist o specialist kundi maging ang mga lokal na pamahalaan upang lalong mapaghandaan ang pananalasa ng mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol, storm surge, buhawi at iba pang sama ng panahon.
Iginiit ni delos Santos na dapat gumawa ng paraan ang gobyerno upang makumbinsi ang mga estudyante kumuha ng kursong Meteorology, Earth Science o Geology sa pamamagitan ng pagbibigay insentibo tulad ng scholarship grants.
Vic Somintac