Kustodiya ng napatalsik na si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo,dapat sa Senado
Sa Senado dapat ang kustodiya nang napatalsik na si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Yan ang iginiit ni Senador Risa Hontiveros na Chairman ng Senate Committee on Women and Family Relations na nag-iimbestiga sa mga kasong kidnapping at human trafficking at iba pang aktibidad na may kinalaman sa POGO operations kung saan idinadawit si Alice Guo.
Ayon sa Senador, iginagalang niya ang karapatan ng hudikatura na maglabas ng warrant of arrest.
Pero malinaw aniya na ang Senado ang unang nag- isyu ng warrant of arrest at ang Senado rin ang nag trigger ng manhunt operations laban dito dahil sa hindi pagsipot sa mga imbestigasyon.
Katunayan, warrant ng Senado ang bitbit ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation nang magtungo sila sa Jakarta kung saan naaresto si Alice.
Malinaw naman aniya sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Binay vs Sandiganbayan na ang anumang criminal charges sa isang Municipal Mayor ay dapat ekslusibong nasa hurisdiksyon ng Sandiganbayan kaya tanong niya bakit ang Korte sa Tarlac ang naglabas ng Warrant of Arrest.
Dahil ang kustodiya ay nasa mga pulis ngayon, kakailanganin pang humingi ng permiso sa Korte bago madala si Alice Guo sa Senado para humarap sa pagdinig sa lunes.
Sa lunes nakatakda ang susunod na pagdinig ng komite sa isyu.
Depensa naman ng kampo ni Guo, hindi sila naglagak ng piyansa para hindi na mailipat ng kustodiya at hindi maabala si Alice Guo.
Paglilinaw naman ni Atty Stephen David, mas gusto ni Alice Guo na ma detain sa Senado dahil nakakulong dito ang kapatid na si Sheila pero wala siyang kapangyarihan na diktahan ang Korte.
Sinabi ni David hindi pa sigurado ang pagharap sa Senado ni aAlice sa lunes.
Para kay David, tama lang na sa PNP Custodial Center makulong si Alice Guo dahil hindi pa naman humuhupa ang mga banta sa buhay nito .
Meanne Corvera