Kwestyonableng resolusyon sa Estafa case laban kay Kazuo Okada, ipinababasura sa DOJ
Naghain na ng mosyon sa DOJ ang Tiger Resort Leisure and Entertainment Incorporated para hilinging baligtarin ang resolusyon ng Paranaque City Prosecutors Office na nagbabasura sa reklamong estafa laban sa
Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada at para usigin sa korte ang banyaga.
Sa dalawang hiwalay na mosyon, sinabi ng Tiger Resorts na nalabag ang kanilang constitutional rights to due process dahil sa pagbasura ng piskalya sa Paranaque sa kanilang reklamo at dahil sa premature na pagpapalabas ng kopya ng resolusyon sa indibidwal na hindi naman partido sa kaso.
Iginiit pa ng Tiger Resorts na may naging administratibong paglabag sa maagang pagpapalabas ng kopya ng resolusyon.
Dahil din anila sa leakage ay seryosong nalagay sa alanganin ang kredibilidad, independence at integridad ng resolusyon na inisyu ni Parañaque City Prosecutor Amerhassan Paudac.
Maituturing din anilang smoking gun ang leak resolution at ito ay indikasyon na maaring may naganap na iregularidad sa piskalya ng Paranaque.
Ayon sa Tiger Resorts, hindi na bago kung isasantabi ng DOJ ang kwestiyonableng resolusyon sa kaso ni Okada dahil una na nitong isinantabi ang resolusyon noon sa kasong inihain ng PNP-CIDG sa itinuturong drug lord na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa.
Batay din anila sa resolusyon ng Korte Suprema, ang mga desisyon sa mga kasong kriminal ay maaring isantabi kung may lantarang ebidensya na may pagkiling sa akusado ang hukom o piskal.
Ang reklamo ay nagugat sa paratang na paglustay ni Okada sa mahigit sampung milyong dolyar na pondong pag-aari ng Tiger Resorts sa pagitan ng 2016 at 2017.
Ulat ni Moira Encina