Kyiv niyanig ng mga bagong pagsabog

This photograph taken on March 16, 2022 shows smoke rising after an explosion in Kyiv. AFP

Niyanig ng ilang bagong mga pagsabog ang Kyiv madaling araw ng Miyerkoles, kung saan sinabi ng emergency services na dalawang residential buildings ang nasira at dalawa katao ang nasugatan.

Ang mga pagsabog ay nangyari nang paigtingin pa ng Russia ang pag-atake sa Ukrainian capital, na isinailalim sa curfew nitong Martes dahil sa tinawag ng alkalde na mahirap at mapanganib na sitwasyon.

Hindi bababa sa tatlong malalakas na pagsabog ang narinig pagkalipas pa lamang halos ng madaling araw sa kanlurang bahagi ng lungsod, at ang makapal na ulap ng usok ay pumailanlang sa kalangitan.

Ayon sa Ukrainian state emergency service . . . “Two residential buildings were damaged in an overnight bombardment in the central part of Kyiv, Shevchenkivskyi district. Two people reported wounded, 35 evacuated,”

Makikita sa mga larawang inilabas ng emergency services ang tuktok na sulok ng isang gusali na bahagyang nawasak, habang ang isa ay may pinsala at mga marka ng pagkasunog sa bubong at sa itaas na bahagi nito.

Imposibleng mapuntahan agad ang lugar dahil ang mga mamamahayag ay binawalang kumilos sa paligid ng siyudad habang umiiral ang curfew.

Samantala, hndi bababa sa apat katao ang nasawi at 40 ang nasaktan sa isang pag-atake ng Russia na ikinasunog ng isang gusali sa Sviatoshynsky district ng Kyiv nitong Martes, at ilang gusali rin ang tinamaan.

Sa halos tatlong linggo nang pagsalakay sa Ukraine, pinaigting pa ng Russian forces ang kanilang pag-atake sa magkabilang panig ng Kyiv, kaya’t marami ang nangangamba na malao’t madali ay magkakaroon na ng isang “full-on assault.”

Nagpapatuloy din ang maiinit na mga labanan sa mga lungsod tulad ng Mariupol, Kharkhiv at Mykolaiv, gayundin sa mga bayang nakapaligid sa labas lamang ng Kyiv.

Please follow and like us: