Laban sa iligal na droga, hindi dapat haluan ng pulitika ni bagong anti-drug czar VP Leni Robredo
Hindi umano dapat haluan ng pulitika ni Vice-President Leni Robredo ang kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, nagulat siya dahil sa nakalipas na tatlong araw na pagmomonitor niya sa mga balita ay lumilitaw na mula sa ‘Operation Tokhang’ ay naging ‘Operation all-talk na”.
Sa kabila umano ng pagtanggap ni Robredo bilang anti-drug czar ay patuloy pa rin ang kritisismo at simpleng banat ni Robredo kay pangulong Rodrigo Duterte at sa war on drugs ng administrayon.
Ani Cayetano, iyon ay maaring dahil si VP Leni ay paborito ng media o kaya ay mahilig siya sa media exposure.
Giit ni Cayetano, dapat ay kilalanin muna ni Robredo ang mga makakatrabaho nito gaya ng kaniyang ginawa sa unang buwan niya bilang speaker of the house ay kinausap ang mga tao na maging involved sa mga meeting at iba pa tsaka na ang daldal.
Pag-upo pa lang aniya ni Robredo ay sinabi na nito na papapasukin ang United Nations at tatanggalin ang tokhang gayong hindi pa pala ito nagbi-briefing.
Ulat ni Eden Santos