Labi ng OFW na isinilid sa freezer, iuuwi na sa Biyernes
Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Kuwait Rene Villa na darating na sa bansa sa Biyernes o bukas, Pebrero 16, ang labi ng Overseas Filipino worker o OFW na si Joanna Demafelis matapos ang isinagawang autopsy sa katawan nito.
Nagtungo na sa Al-Sabah hospital ang mga kinatawan ng Philippine Embassy para sa viewing ng labi ni Demafelis bilang bahagi ng paghahanda sa repatriation.
Ayon kay Villa, muling tiniyak sa kanila ng Kuwaiti authorities na ginagawa nila ang lahat para matukoy at madakip ang mga amo ng OFW na Lebanese at Syrian nationals.
Aniya, na-shock at galit ang pamahalaan ng Kuwait sa nasabing krimen.
Samantala, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs o DFA na inihahanda na ng Philippine Embassy sa Kuwait ang pagpapabalik sa mga labi ni Demafelis na natagpuang patay at nakasilid sa loob ng freezer sa apartment ng kaniyang mga amo.
Base sa isinagawang autopsy, si Demafelis ay namatay sa matinding bugbog at pinahirapan ng paulit-ulit bago siya isinilid sa freezer.
Ito rin ang nagbunsod kay Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara ang total deployment ban sa Kuwait.
=== end ====