Labing-anim patay sa baha at mudslides sa Sri Lanka
COLOMBO, Sri Lanka (AFP) – Hindi bababa sa 16 katao ang nasawi dahil sa baha at mudslides dulot ng monsoon rains sa Sri Lanka.
Ayon sa Disaster Management Centre (DMC), higit 250-libong katao rin ang nawalan ng tahanan.
Dagdag pa ng DMC, karamihan sa mga biktima ay nalibing ng buhay bunsod ng malakas na mga pag-ulang naranasan ng sampu sa 25 distrito ng bansa, na noong Biyernes pa nagsimula.
Kuwento ng mga opisyal, sa central Kegalle district ay isang alagang aso ang nagturo sa mga rescuer sa kinaroroonan ng apat na miyembro ng isang pamilya na natabunan ng buhay, subalit ang mga ito ay patay nang lahat nang mahugot sa tulong ng mga tropa ng pamahalaan.
Nag-deploy din ng security forces sa ilang distrito para tumulong sa paglilikas sa mga residente.
Ayon pa sa DMC, 270-libong katao ang umalis sa mga bahay nilang binaha, at pansamantalang nakituloy sa mga kaibigan o kamag-anak, o kaya sa welfare centers ng estado.
Ang monsoon rains ay dalawang beses sa isang taon nararanasan sa Sri Lanka, na bagamat nakatutulong sa irigasyon at sa hydro-power generation, ay malimit ding maging sanhi ng pagkamatay ng mga mamamayan at pagkasira ng mga ari-arian.
@ Agence France-Presse