Labingdalawa katao nasaktan, nang tamaan ng turbulence ang isang Qatar Airways flight sa Turkey
Labingdalawa katao ang nasaktan nang makasagupa ng turbulence ang isang Qatar Airways flight na galing sa Doha at patungo sa Ireland.
Nangyari ang insidente isang linggo makaraang isang pasahero ang namatay at dose-dosenang iba pa ang nasaktan, nang tumama ang isang Singapore Airlines flight na galing London sa severe turbulence at na-divert sa Bangkok.
Anim na mga pasahero at anim na crew ang nasaktan, nang makaranas ng turbulence ang Qatar Airways flight QR017 sa Turkey, ngunit ligtas pa ring nakalapag sa Dublin airport.
Ayon sa Qatar Airways, “minor” lamang ang tinamong injuries at ang insidente ay isasailalim na sa internal investigation.
Batay sa pahayag mula sa Dublin airport, “Upon landing, the aircraft was met by emergency services, including airport police and our fire and rescue department, due to six passengers and six crew [12 total] on board reporting injuries after the aircraft experienced turbulence while airborne over Turkey. The Dublin Airport team continues to provide full assistance on the ground to passengers and airline staff.”
Matatandaan na isang British man ang namatay at mahigit sa 100 katao ang nasaktan nang tamaan ng extreme turbulence ang Singapore Airlines flight SQ321, sanhi upang mapilitan itong mag-emergency landing sa Bangkok, kung saan ilang katao ang ginagamot pa rin sa mga ospital.
Ang mga pasahero at crew ay nagtamo ng skull, brain at spine injuries, makaraang mabalibag sa loob ng cabin, dahil sa turbulence.
Dahil sa pangyayari ay hinigpitan na ng Singapore Airlines ang kanilang seatbelt rules.
Ayon sa air safety experts, malimit na masyadong kaswal ang mga pasahero sa pagsusuot ng seatbelts, kaya nalalantad ang mga ito sa panganib kapag ang eroplano ay hindi inaasahang makasagupa ng turbulence.
Nagbabala rin ang mga siyentipiko na ang tinatawag na clear air turbulence, na hindi nade-detect ng radar, ay nagiging mas matindi na dahil naman sa climate change.