Labinglima patay sa sunog sa sanitizer factory sa India
MUMBAI, India (AFP) – Hindi bababa sa 15 katao ang namatay matapos masunog ang isang sanitizer factory sa western Indian city ng Pune.
Ayon sa isang opisyal sa rural police control room ng Pune na ayaw magpakilala, 15 bangkay na ang kanilang narekober.
Aniya . . . “The fire broke out around 4:15 p.m. Monday at a sanitizer factory, we still don’t know what sparked the fire.”
Hindi naman masabi ng opisyal kung may nasaktan o nawawala.
Ang planta ay nasa isang village sa labas ng Pune.
Batay sa report ng isang pahayagan sa India, ang mga nasawi ay nakulong sa pabrika nang magsimula ang sunog, matapos may sumabog sa loob ng isang makina.
Makikita sa video footage na ipinalabas ng local media, ang makakapal na usok na nagmumula sa itaas ng gusali.
Ang India ay malimit magkaroon ng industrial disasters, na isinisisi ng mga eksperto sa hindi maayos na plano at kakulangan ng pagpapatupad sa safety rules.
Samantala, nagpahatid na ng kaniyang pakikiramay si Prime Minister Narendra Modi, at nagsabing pagkakalooban ng financial compensation ang pamilya ng mga nasawi, at maging ng mga nasaktan.
@ Agence France-Presse