Labinlimang Senador lumagda na sa resolusyon para patalsikin si Senate President Koko Pimentel
Umaabot na sa 15 Senador ang lumagda sa draft resolution para tuluyang mapatalsik sa puwesto si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel.
Pawang mga miyembro ng majority block ang lumagda sa resolusyon na humihiling rin na maitalaga si Senate majority leader Vicente Sotto bilang susunod na Senate President kapalit ni Pimentel.
Ayon sa ilang senador na tumangging magpabanggit ng pangalan, dapat noong Enero pa nagkaroon ng pagpapalit sa Senate leadership batay umano sa gentlemans agreement pero nais umano ni Pimentel na manatili sa pwesto hanggang Oktubre o bago ang paghahain ng Certificate of Candidacy para sa may 2019 Midterm elections.
Nabuo aniya ang resolusyon sa birthday party noong nakaraang linggo ni Senador Juan Miguel Zubiri at pinaikot na sa mga miyembro ng majority block para palagdaan.
Kasama sa mga lumagda sa resolusyon sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senators Sonny Angara, Loren Legarda, jv Ejercito, Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, Francis Escudero, Richard Gordon, Gregorio Honasan, ping Lacson, Manny Pacquiao, Joel Villanueva, Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri .
Ngayong araw inaasahang lalagda sa resolusyon si Senador Grace Poe.
Ayaw pang kumpirmahin ng mga Senador pero inaasahang maisusumite ang resolusyon sa plenaryo sa Lunes.
Ulat ni Meanne Corvera