Labor Secretary Laguesma, tiniyak na hindi maaapektuhan ang kapakanan ng OFW’s sa paglilipat ng ilang attached agencies ng DOLE sa DMW
Siniguro ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa mga mambabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi maaapektuhan ang pagtugon ng Department of Labor and Employment ( DOLE) sa pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers ( OFWs) sa kabila ng paglipat ng ilang attached agencies nito sa bagong tatag na Department of Migrant Workers ( DMW).
Sa budget deliberation ng Kamara sa pondo ng DOLE, sinabi ng kalihim na lumagda sila ni DMW Secretary Susan Ople ng isang joint circular upang pabilisin ang transition process ng paglipat ng Overseas Workers Welfare Administration ( OWWA), Philippine Overseas Employment Administration ( POEA) at National Maritime Polytechnic ( NMP) mula sa kontrol ng DOLE papuntang DMW.
Ayon kay Laguesma, nakasaad sa joint circular na hindi mabalam ang pagbibigay ng serbisyo para sa mga OFW at kanilang pamilya.
Batay sa 2023 proposed National Budget, ang pondo ng NMP ay P76.8 million, ang POEA naman ay P3.233 billion habang P11.669 billion para sa OWWA.
Vic Somintac