Lagay ng kalusugan ng isa sa mga aplikante sa Chief Justice post, binusisi ng JBC
Naungkat sa Public interview ng Judicial and Bar Council ang lagay ng kalusugan ni Supreme Court Associate Justice Jose Reyes Jr. na isa sa apat na mahistradong aplikante para sa posisyon ng Punong Mahistrado.
Si Reyes ay 69-anyos na nakatakdang magretiro sa Hudikatura sa susunod na taon.
Inamin ni Reyes na mayroon siyang high blood chemistry dahil sa hindi siya regular na nakakapag ehersisyo at may problema sa diet sa mga nakaraan.
Binanggit pa ni Reyes na walang exercise room sa Korte Suprema hindi tulad sa Court of Appeals.
Pero iginiit ni Reyes na kung mapili siyang Punong Mahistrado ay makakatugon siya sa mga trabaho at responsibilidad ng posisyon gaya sa kasalukuyan.
Umiinom anya siya ng mga gamot at mayroon na siyang regular diet at planong bumalik sa kanyang pag-e-ehersisyo.
Naniniwala siya na kapag malusog ang pangangatawan niya maging ang kanyang mental at spiritual health ay makakatugon siya sa mga gampanin ng Chief Justice.
Kaugnay nito, inihayag ni Reyes na kapag siya ay naging Punong Mahistrado ay plano niyang maglagay exercise room sa Korte Suprema gaya sa CA.
Samantala, idinipensa ni Reyes ang pagiging miyembro at opisyal niya ng ibat-ibang religious organizations gaya ng Knights of Columbus.
Anya hindi naman ito kasabay ng trabaho niya sa Korte Suprema.
Ang kanya rin anyang membership sa mga religious orgs ay panangga niya laban sa paggawa ng anumang katiwalian.
Ulat ni Moira Encina