Lagayan system, balik na naman umano sa Department of Budget and Management
Inihayag ni House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr. na bumalik na ang tinatawag na ‘kickback o lagay’ system sa Department of Budget and Management sa ilalim ni Secretary Benjamin Diokno.
Ayon kay Andaya, may mga kawani ng DBM na nagsiwalat sa kanya na lumobo na sa 100 billion pesos ang utang o hindi nabayarang kontrata noong 2018 para sa infrastructure projects o mas mataas kumpara sa 44 billion pesos na payables noong Nobyembre.
At dahil hindi aniya nakakapagbayad ang ahensya ay napipilitan umano ang DPWH contractors na kumulimbat ng kickback para sa mga natapos na imprastraktura.
May pagkakaiba rin umano sa release of payments sa bawat distrito mula 10 hanggang 30 percent na kinukuha mula sa lumpsum at ang nasusunod ay ang regional directors ng DPWH.
Dagdag pa ni Andaya, tatlong buwang hindi pinasahod ang casual employees ng DPWH habang 99 percent ng contractors ay hindi pa binabayaran nang buo dahil partial payments o hulugan ang ginagawa ni Diokno.
Kasunod nito, nangangamba siyang mag-atrasan ang mga lehitimong contractor na mag-bid para sa Build, Build, Build program na mauuwi sa pagbagal ng paglago ng ekonomiya.
Ulat ni Madelyn Moratillo