Lagpas 600,000 guro naghain ng aplikasyon para sa digital signatures para sa 2022 Elections
Nasa 600,000 guro ang nagsumite ng aplikasyon para sa digital signatures kaugnay sa halalan sa Mayo.
Ayon kay COMELEC Commissioner Marlon Casquejo, ang external digital signatures ay karagdagang features para sa transparency at security sa transmission ng resulta ng eleksyon.
Aniya ang mga ito ay ia-attach sa transmission ng election results sa canvassing center.
Sinabi ng opisyal na nasa proseso pa rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pag-apruba ng mga aplikasyon.
Umaabot na aniya sa 600,000 digital signatures ang naaprubahan ng DICT.
Gayunman, nilinaw ng poll body na hindi lahat ng mga guro na napagtibay ang digital signatures ay makapagsisilbi sa eleksyon bilang board of election inspectors (BEIs).
Sa mga napiling guro na maging electoral board, 70% sa mga ito ang naiproseso na ng DICT ang digital certificates.
Sa pinakahuling datos naman ng Department of Education, kabuuang 681,283 DepEd teachers at personnel ang nagsumite ng aplikasyon
Katumbas ito ng 68% ng buong tauhan ng DepEd.
Ayon sa DepEd, bagamat hindi lahat ng mga naghain ng aplikasyon na guro ay magsisilbi sa halalan bilang BEIs ay mahalaga na matiyak pa rin na handa at mayroong digital signatures ang mga ito sa araw ng botohan.
Moira Encina