Lagpas 8,000 bagong abogado, nanumpa na
Pormal nang nanumpa bilang abogado ang higit 8,000 na nakapasa sa 2020/2021 Bar Examinations.
Ito na ang isa sa pinakamaraming bar passers na nanumpa sa kasaysayan at unang in-person oath taking ng mga bagong abogado mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic.
Isinagawa ang oath taking ceremony sa MOA Arena sa Pasay City.
Present sa seremonya ang 15 mahistrado ng Korte Suprema.
Si Supreme Court Clerk of Court En Banc Atty Marife Lomibao- Cuevas ang nangasiwa sa panunumpa ng mga bagong abogado.
Kabilang sa mga bagong abogado na nakapanumpa ang dating NET25 reporter at anchor at ngayo’y court decongestion officer ng QC Regional Trial Court na si Atty. Neah Mangawang.
Ayon kay Mangawang, pangarap niya mula pa noong bata siya na maging abogado kaya sobrang saya niya dahil nagbunga rin ang kanyang pagsisikap.
Umaasa si Atty. Neah na balang araw ay maging parte siya ng Public Attorneys Office at makapagturo sa School of International Relations ng New Era University.
Isa rin sa mga nakapanumpa si Atty. Maricar Grace Velasco ng Legal Department ng Eagle Broadcasting Corporation.
Aniya ang mga magulang niya ang naging inspirasyon niya para ipursige legal management at ang abogasya na pinangarap din niya mula pagkabata.
Isa-isa namang kinilala ni 2020/2021 Bar Chair at Justice Marvic Leonen ang mga bar examiners at ang mga eskuwelahan na nagsilbing local testing centers.
Gayundin, ang mga law schools na nakapagkamit ng pinakamarami at mataas na bilang ng mga pumasang bar takers, exemplary passers, at excellent passers.
Hinimok naman ni Leonen ang mga abogado na gamitin ang kanilang bagong papel para pagsilbihan ang mga tao lalo na ang mga mahihirap at naaapi.
Moira Encina