Laguna Gov. Ramil Hernandez, muling tatakbo bilang gobernador
Inanunsiyo ni Laguna Gov. Ramil Hernandez na muli siyang kakandidato sa pagka-gobernador sa darating na eleksyon.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Hernandez na ito na ang magiging ikatlo at huli niyang termino bilang gobernador ng Laguna.
Ipinagmalaki ni Hernandez na sa kanyang panunungkulan ay naiasaayos ang pananalapi ng provincial government at nakaahon sa pagkakabaon sa utang ang lalawigan na kanyang dinatnan sa posisyon.
Ayon pa sa gobernador, nalagyan din ng malaking pondo ang health at social services, at ang scholarship program ng Laguna sa kanyang termino.
Binanggit din ni Hernandez ang apat na sunod-sunod na taon na nakamit nito ang pinakamataas na pagkilala na Seal of Good Local Governance at dalawang beses na nahirang bilang Outstanding Governor of the Philippines for Social Services.
Tiniyak naman ni Hernandez na hindi mapababayaan ang mga programa at proyekto sa lalawigan partikular ang may kaugnayan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic sa kabila ng darating na election period.
Moira Encina