Laguna, muling isinailalim sa ECQ hanggang Aug. 20
Ibinalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) status ang probinsiya ng Laguna hanggang Agosto 20, 2021.
Ito ay batay sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution No. 133-C.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang pasya ay ibinatay sa rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos ang pakikipag-konsultasyon ng IATF-EID sa Laguna Provincial Government.
Una nang isinailalim sa ECQ ang Laguna hanggang August 15 ngunit nag-anunsyo ang Malakanyang noong Biyernes lamang na ibinababa ang classification status ng lalawigan sa Modified ECQ mula August 16 hanggang 31.
Ayon kay Roque, ang pagbabalik ECQ sa lalawigan ay upang mapigilan ang pagkalat ng kaso ng Covid-19 variants na patuloy na naitatala sa lalawigan at matulungan ang health system capacity ng probinsiya.
Nabatid na puno na ng mga Covid patient ang mga pagamutan sa probinsiya at umabot na sa critical level ang probinsiya batay na rin kay Laguna Governor Ramil Hernandez.