Lahat ng may ranggong Colonel at General sa PNP pinagreresign ni DILG Secretary Benhur Abalos
Hindi dapat na matakot ang mga senior official ng Philippine National Police o PNP na may ranggong Colonel at General sa desisyong magsumite ang mga ito ng courtesy resignation sa Office of the Secretary ng Department of Interior and Local Government o DILG kung wala naman silang ginagawang labag sa batas.
Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na napasok na talaga ng sindikato ng ilegal na droga ang hanay ng mga matataas na opisyal ng PNP.
Ayon kay Abalos kumpirmadong mayroong mga Police Colonel at General ang nasa likod ng operasyon ng illegal drugs.
Inihayag ni Abalos magsasagawa ang DILG ng internal cleansing sa loob ng pnp upang mapalakas at magtagumpay ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Tiniyak naman ni PNP Public Information Office o PIO Chief Colonel Redrico Maranan na handang sundin ng mga Senior official ng pambansang kapulisan ang desisyon ni DILG Secretary Abalos.
Niliwanag ni Abalos hindi maaapektuhan ang operasyon ng PNP sa courtesy resignation dahil hindi naman inaalis ang mga senior police officials sa puwesto maliban na lamang kung mapapatunayang sangkot nga ang mga ito sa operasyon ng ilegal na droga.
Aminado si Abalos na totoong napakahirap ang laban ng pamahalaan kontra sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa kung mayroong mga high ranking police officials ang sangkot sa sindikato ng ilegal na droga.
Vic Somintac