Lahat ng mga kaso sa Degamo killing, ililipat sa korte sa Maynila –DOJ
Sa hukuman sa Maynila lilitisin ang lahat ng mga isasampang kaso kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano iku-consolidate o pag-iisahin muna ang lahat ng mga isasampang kaso sa mga korte sa Negros Oriental na may kinalaman sa Degamo killing.
Pagkatapos aniya nito ay ililipat sa korte sa Maynila ang mga kaso para dito ang mga ito litisin upang maiwasan ang prejudgement at bias.
Ayon kay Clavano, ito ang napagpasyahan ng DOJ at DILG lalo na’t mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang nagsabi na politika ang ugat ng pamamaslang kay Degamo.
Naniniwala aniya ang DOJ at DILG na magkakaroon ng mga problema at hamon kung sa Negros Oriental isasampa ang mga kaso.
Nais aniya ng DOJ na mapanatili ang integridad ng kaso at matiyak na magiging patas ang ebalwasyon at prosekusyon ng mga ito.
Una nang inihain sa Tanjay Regional Trial Court ang tatlong counts ng murder at frustrated murder laban sa apat na naarestong suspek at 12 John Does.
Ang mga kasong illegal possession of firearms ammunitions and explosives laban naman sa tatlong respondents ay inihain sa Bayawan City RTC.
Moira Encina