Lahat ng rehiyon sa bansa, may presensya na ng Delta variant – DOH
May presensya na ng mas nakakahawang Delta variant sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Sa pinakahuling sequencing na ginawa ng Philippine Genome Center, lumalabas na 76% ng mga sample na kanilang sinuri ngayong Setyembre ay nakitaan ng Delta variant.
May 279 bagong kaso ng Delta variant silang naitala.
Ang 245 rito ay local cases, 21 ay Returning Overseas Filipinos habang bineberipika naman ang 13.Sa 245 local cases na ito, 17 ang mula sa Ilocos Region, 17 sa Cagayan Valley, 24 sa Central Luzon, 35 sa CALABARZON, 9 sa MIMAROPA, 19 sa Bicol Region, 3 sa Western Visayas, 5 sa Central Visayas, 14 sa Eastern Visayas, 1 sa sa Zamboanga Peninsula, 22 sa Northern Mindanao, 10 sa Davao Region, may 5 naring naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, 13 sa Cordillera Administrative Region, at 51 sa National Capital Region.
Sa mga kasong ito, dalawa na lang ang aktibo, nasawi ang 8, nakarekober naman ang 267 habang inaalam naman ang kasalukuyang sitwasyon ng 2 pa.
Sa kabuuan, may 2,068 Delta cases na sa bansa.
Ayon sa Department of Health, may nakita ring karagdagang 29 Alpha variant cases ang PGC.
Lahat ng ito ay local cases at 1 nalang ang aktibong kaso, may 1 nasawi habang nakarekober naman ang 27.
Sa kabuuan, umabot na sa 2,424 Alpha variant cases ang mayroon sa bansa.
May karagdagan ring 28 Beta variant cases ang nakita sa bansa.
Lahat sila, local cases din at pawang mga nakarekober na.
Sa kabuuan, may 2,697 beta variant cases na sa bansa.
May 13 namang karagdagang P.3 variant cases na nakita sa bansa.Lahat sila, local cases. Ang 1 sa kanila ay nasawi habang nakarekober naman ang 12.
Sa datos mula sa DOH, sa ngayon may 51 active cases ng Delta variant sa bansa, 19 active cases ng Alpha variant, 14 active cases ng Beta variant at 1 namang active case ng P3 variant.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Delta variant dito sa bansa, mahigpit ang paalala ng DOH sa publiko na sumunod sa minimum public health standards.
Hinihikayat rin nila ang mga nasa pribadong sektor na patuloy na magpatupad ng alternative working arrangements ng kanilang mga empleyado.
Madz Moratillo