Lakers, paboritong manalo sa NBA ayon sa survey
LOS ANGELES, United States (AFP) – Lumitaw sa resulta ng annual general managers survey ng NBA na inilabas nitong Biyernes, na ang Los Angeles Lakers ang paboritong manalo ng back-to-back NBA titles.
Ang Lakers, na napanalunan ang kanilang ika-17 NBA crown dalawang buwan na ang nakalilipas sa Orlando quarantine bubble, ay nakakuha ng 81% sa naturang survey.
Kasunod ito ng pinaikling offseason, kung saan nakita ang lalo pang paglakas ng Lakers, na pinangungunahan ng bigating manlalaro na sina LeBron James at Anthony Davis.
Nadagdag pa sa Lakers ang German point guard na si Dennis Schroder mula sa Oklahoma City Thunder at Montrezl Harrell mula sa Los Angeles Clippers, at naroon din ang Spanish veteran na si Marc Gasol.
Ang Clippers naman ang ikalawang paborito kung saan nakakuha ito ng 11%, habang ang Brooklyn Nets at Miami Heat ay nakakuha rin ng mga boto.
Sa individual predictions naman, si Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee ang paboritong manalo bilang Most Valuable Player para sa tatlong sunod sunod na season matapos makakuha ng 32%, lamang kaysa sa Dallas Mavericks star na si Luka Doncic, na nakakuha naman ng 21%.
Ang Lakers duo na sina Davis at James ay kapwa naman nakakuha ng 18% votes, habang ang dating MVP na si Kevin Durant, na nagbabalik ngayong taon matapos ma-miss ang buong 2019-2020 campaign dahil sa injury, ay nakakuha ng 7%.
Patas din ang nakuhang porsyento ni Antetokounmpo at Doncic, nang tanungin ang mga lumahok sa survey kung sinong manlalaro ang pipiliin nila kung magsisimula ng bagong franchise.
Si Erik Spoelstra ng Miami ang pinangalanan bilang best head coach sa NBA sa survey, lamang kina Nick Nurse ng Toronto at Gregg Popovich ng San Antonio Spurs.
© Agence France-Presse