Lalaki hinuli ng NBI sa Palawan dahil sa pagbebenta ng smuggled na sigarilyo
Dinakip ng NBI ang isang lalaki sa Roxas, Palawan dahil sa sinasabing pagbebenta ng imported na sigarilyo nang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis.
Kinilala ng NBI ang inaresto na si Wenzar Dassan alyas Wawen.
Ikinasa ang entrapment operation laban kay Dassan bunsod ng intelligence report ukol sa sinasabing talamak na bentahan at distribusyon ng imported na sigarilyo mula sa Indonesia at Malaysia sa lugar.
Nagsagawa ang NBI-Puerto Princesa District Office ng surveillance at test-buy operation sa ibat-ibang palengke sa Palawan upang maberipika ang report.
Nakabili ang NBI ng mga cigarette brand na Fort, Bravo, at New Berlin mula kay Dassan at sa isang Abdul.
Sinabi ng NBI na base sa packaging ng mga sigarilyo ito ay gawa mula sa Malaysia at Indonesia, at walang proper seal at tax stamps mula sa BIR.
Inaresto ang suspek matapos tanggapin ang entrapment money kapalit ng mga smuggled na sigarilyo.
Nakumpiska ng NBI sa operasyon ang reams ng
New Berlin Cigarettes (Red), Fort Menthol Cigarettes (Green), Fort Full Flavour Cigarettes (Red), Fort Black menthol, salapi, at entrapment money.
Isinalang sa inquest proceedings sa piskalya ang suspek kung saan ipinagharap ito ng reklamong paglabag sa Tariff and Customs Code.
Moira Encina