Lalaki na nagpanggap na doktor,arestado sa Maynila
Arestado ang isang 34 anyos na lalaki matapos magpanggap na doktor at mag-aplay sa isang health clinic sa Maynila.
Sa ulat ni Abad Santos Police Station Lt. Col. Harry Lorenzo kay Manila Police District Chief Gen. Leo Francisco, kinilala ang suspek na si Omar Moharin, residente ng New Manila, Quezon City.
May mga ipinakita rin umano itong mga dokumento na magpapatunay na siya ay isang lisensyadong doktor kaya naman natanggap ito para magtrabaho sa nasabing klinika.
Pero nagduda ang may-ari ng clinic na si Raffy Crespo dahil sa mga kilos at inirereseta nito sa mga pasyenteng komukunsulta sa kanya.
Dito na nag-imbistiga si Crespo at nakita na wala ito sa listahan ng Professional Regulation Commission ng mga doktor na nakapasa sa medical board examination kaya dumulog na ito sa pulisya.
Sa pagtatanong ng mga pulis, noong una ay nagprisinta pa ng pekeng PRC ID ang suspek na ng kalaunan ay umamin rin na hindi talaga siya doktor at nag-alok ng areglo pero hindi pumayag ang complainant.
Kabilang sa mga kakaharapin ng suspek ay kasong paglabag sa RA 2382 o Medical Act of 1959 at Article 315 o Estafa at Article I70 o Falsification of Document.
Madz Moratillo