Lalaki sa Nueva Ecija, nahulihan ng isang milyong pisong halaga ng shabu
Isang umanong nagbebenta ng iligal na droga mula sa lalawigan ng Aurora ang nahulihan ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na higit sa P1 milyon, sa Barangay Bantug Bulalo.
Sinabi ni Lt. Col. Carl Omar Fiel, city police chief, ang suspek ay nakilalang si Arnold Palioc, 40 anyos, residente ng Barangay Suklayin, Baler, Aurora.
Ayon kay Fiel, ang suspek ay nag-deliver ng isang sachet ng shabu sa isang undercover police na nagpadala naman ng P5,000 sa pamamagitan ng isang virtual wallet application.
Aniya . . . “Nakumpirma namin yung kanyang operasyon na tumatanggap ng order sa text at nanghihingi ng bayad sa Gcash.”
Nang siya ay maaresto, iniulat ng pulisya na natagpuan sa pag-iingat ng suspek ang 22 pang sachets ng ilegal na droga na may kabuuang timbang na 150 gramo na nagkakahalaga ng P1,020,00.
Ayon pa kay Fiel . . . “Base po sa nakuha nating impormasyon dito (sa) suspect, maraming beses na po siyang nakapagpasok ng iligal na droga dito sa probinsiya ng Nueva Ecija, particularly dito sa siyudad ng Cabanatuan,” at idinagdag na ang suspek ay nagbebenta rin ng ilegal na droga sa Aurora at natuklasang nakulong nang minsan dahil sa droga.
Aniya, iniimbestigahan pa nila ang pinagkukunan ng mga ilegal na droga na ibinibenta ni Palioc.
Ang suspek na nakaditini na sa police custodial facility doon, ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.