Lalaking bumaba sa riles ng MRT-3 at nagselfie, nahaharap sa kasong Alarms and Scandals
Nahaharap sa kasong Alarms and Scandals ang lalaking nagselfie sa riles mismo ng tren ng MRT-3 sa Quezon Avenue station Northbound.
Nakilala ang lalaki na si Jerald Oliva, 22-anyos, isang Construction worker na nakuhanan ng CCTV ang pagbaba nito sa riles.
Arestado at nahaharap rin sa kaso ang kasama nito na si Rey Llasos, 28-anyos, isangg tricycle driver na kumuha sa kaniya ng selfie picture.
Ayon sa security guard ng MRT-3, pasado alas-7:00 ng gabi ng May 9 nang mamataan niya ang pagbaba ni Oliva sa riles ng linya ng tren at nagpakuha ng litrato.
Agad namang rumesponde ang iba pang naka-duty na security guard at dinampot ang mga ito.
Alinsunod sa patakaran ng MRT-3, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbaba sa riles ng linya ng tren ng mga hindi otorisadong indibidwal dahil maaari itong ikapahamak ng sinuman.
Nasa Quezon City Police District – Kamuning Police Station ang dalawang lalaki para sa inquest proceedings.
Hinikayat din ng MRT-3 Management ang publiko na kaagad iulat sa mga Transprt marshal o nakaduty na Security guard sakaling may masumpungang mga ganitong insidente.