Lalaking gumamit at nagbenta ng pekeng salaping papel, hinatulang makulong
Sa desisyon ng Supreme Court Second Division na isinulat ni Justice Jhosep Lopez, ibinasura nito ang petisyon ng akusadong si Allan Gacasan laban sa mga ruling ng Court of Appeals at ng Manolo Fortich Regional Trial Court na humatol sa kaniya ng guilty sa paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagkahuli kay Gacasan sa test-buy operation ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Bukidnon matapos na mag-alok ito na magbenta ng pekeng salapi sa isang ahente ng CIDG.
Nakumpiska sa akusado ang 100 piraso ng pekeng 1000-Peso bills at 25 piraso ng pekeng 500-Peso bills.
Kinumpirma naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas na peke ang mga nasabing salaping papel.
Hindi binigyang bigat ng Supreme Court ang depensa ng akusado na umano’y biktima ito ng frame- up at hindi balido ang operasyon ng CIDG.
Ayon pa sa SC, lahat ng elemento ng illegal possession at paggamit ng pekeng salapi ay present sa kaso.
Dahil dito, sinentensiyahan ang lalaki ng parusang pagkakulong ng mula walong taon at isang araw hanggang 10 taon, walong buwan at isang araw at pinagmulta ng P10,000.
Moira Encina