Lalaking nag-aalok ng fake honorary degree, arestado ng NBI sa Mandaluyong City
Huli sa entrapment operation ng NBI- Anti- Fraud Division sa Mandaluyong City ang isang lalaki dahil sa pag-aalok at pagbibigay ng pekeng honorary degree.
Ikinasa ang operasyon laban sa suspek na si Jonathan Jesus Navea alyas Jake Navea matapos na isumbong sa NBI ng isa sa mga biktima na negosyante sa Bulacan na si Krystal Yves Cruz.
Si Navea ay nagpakilala sa mga biktima nito na kinatawan ng Asian University International- Philippines.
Inalok nito ang mga biktima na bibigyan ang mga ito ng Doctor of Humanities, Honoris Causa kapalit ng malaking halaga.
Si Cruz ay hiningan ng mahigit Php100,000 kapalit ng nasabing honorary degree at Dangal ng Bayan Award.
Nagduda naman ito kaya nagsaliksik kung totoo ang nasabing alok na degree ng suspek.
Humarap din sa NBI ang ilan pa sa naloko ni Navea na nagamit din ang mga pangalan sa iligal na gawain nito.
Ilan sa mga ito ang doktor na si Jose Odielon Aranton, media practitioner na si Raymard Gutierrez at movie producer na si Baby Go.
Ang suspek ay ipinagharap na ng mga reklamo na fraud at multiple counts ng estafa ng pito sa mga naging biktima nito.
Handa naman ang iba pang biktima ni Navea na magbigay ng karagdagang testimonya laban sa suspek.
Pinabulaanan naman ni Navea ang mga paratang sa kanya ng mga complainant.
Moira Encina