Lalaking nag- claim ng pakete na naglalaman ng halos 5 milyong pisong halaga ng ecstasy arestado sa Maynila
Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki na magke-claim sana ng package na naglalaman ng libo libong tableta ng ecstasy sa Manila Central Post Office.
Kinilala ng Bureau of Customs ang suspek na si Ron Ron Salonga na taga Port Area, Manila umano.
Batay sa record, ang shipment ay idineklara bilang mga damit at sapatos na ipinadala ng isang Mary Lumbao Edward mula sa Netherlands.
Naka consign ang nasabing shipment sa isang residente ng Malate sa Maynila.
Ayon sa BOC, matapos ang ginawang eksaminasyon ng Customs NAIA pagdating ng package sa bansa ay nadiskubre na ang laman pala nito ay 12 packs ng tableta ng ecstasy.
Isinailalim rin umano sa Chemical lab analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga tableta at nakumpirmang ecstasy ang mga ito.
Ayon sa BOC sa kabuuan ay nagkakahalaga ang iligal na droga na ito ng mahigit 4.8 milyong piso.
Dito na isinagawa ng mga awtoridad ang controlled delivery operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang suspek at nasabat na mga iligal na droga.
Kabilang sa kakaharapin nito ay mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.
Madz Moratillo