Lalaking nagpakilalang NBI agent at nanutok ng baril sa motorista sa viral video, kinasuhan sa DOJ
Tuluyan nang ipinagharap ng mga reklamo ng NBI sa DOJ ang lalaki sa viral video na nanutok ng baril sa motorista at nagpakilalang tauhan ng kawanihan.
Mga reklamong illegal possession of firearms at usurpation of authority ang inihain ng NBI sa DOJ laban sa suspek na si Ramil Bunagan Diez.
Kinasuhan din si Diez ng grave threats, grave coercion, at paglabag sa Omnibus Election Code.
Ayon sa NBI, nangyari ang insidente sa panahon ng election gun ban.
Batay pa sa Personnel Division ng NBI, hindi empleyado ng kawanihan si Diez.
Napagalaman din ng NBI mula sa PNP na si Diez ay rehistradong may-ari ng 10 magkakaibang kalibre ng baril.
Pero hindi ito naisyuhan ng permit to carry firearms outside of residence para sa anumang klase ng armas.
Base naman sa Comelec, wala ring sertipikasyon si Diez para sa gun ban exemption sa panahon ng halalan.
Nakuhanan sa video ang insidente na naganap sa Meycauyan, Bulacan noong Mayo 8 at nag-viral sa social media.
Makikita sa video si Diez na tinutukan ng baril ang nakaalitang motorista.
Hinihingi ni Diez ang lisensya ng motorista na umano’y humarang sa kanya sa trapiko.
Sa video, sinabi ni Diez na may operasyon sila sa NBI pero hinarang siya ng driver.
Moira Encina