Lalaking nagpakilalang second cousin ni PBBM, ipinagharap ng reklamong syndicated estafa sa DOJ
Sinampahan ng mga reklamong syndicated estafa sa DOJ ang isang lalaki na nagpakilalang pinsan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Partikular na inireklamo sa DOJ ang isang Mario Marcos ng biktima na si Jennylei Caberte.
Ayon sa abogado ng complainant, umabot sa P13 milyon ang hindi binayaran ng respondent sa kanilang kliyente.
Noong 2022 ay kinuha anila bilang public relations consultant at sa event management ni Marcos ang biktima pero bigo nito na bayaran ang mga serbisyo ng kanilang kliyente.
Napaniwala anila ang kanilang kliyente ng respondent na kamag-anak ito ni PBBM at lehitimo itong international businessman sa sektor ng information technology na may malalaking kontrata.
Nangako umano ang respondent sa biktima pero puro talbog ang mga tseke na inisyu nito.
Samantala, ipinagharap ng hiwalay na reklamo ng estafa sa piskalya sa Makati City si Marcos ng isa pang biktima nito.
“Pinapaniwala may pera siyang bayad at dahil sa inabonohan ng aming kliyente yung mga ginastos doon na nagkakahalaga 13 million pesos di siya binayaran…. yung mario marcos siya ay nagsasabi na second cousin siya ng ating Presidente at marami syang koneksyon kaya maraming events na in-organize siya na marami siyang taong naloko rin” pahayag ni Atty. Danilo Pelagio legal counsel ng complainant
Moira Encina