Lalaking nagtago ng 9 na taon dahil sa kasong rape, natunton na ng QCPD
Natunton na ng Quezon City Police District o QCPD station 7 ang isang lalaki na siyam (9) na taon umanong nagtago dahil sa kasong rape.
Kinilala ang suspect na si Edwin Santo na itinuturing na Top 2 Most wanted sa lalawigan ng Leyte.
Ayon kay QCPD station 7 Police Senior Inspector Ramon Aquiatan Jr., nakipag-ugnayan sa kanila ang arresting team mula sa Leyte matapos makatanggap ng impormasyon na sa Maynila nagtatago ang suspect.
Agad namang ikinasa ang joint operation kasama ang operatiba mula sa Leyte para sa ikadarakip ni Santo na natuklasan ding sa Antipolo naninirahan.
Pero dahil wala ito sa tinutuluyan sa Antipolo, nakipagtulungan ang magulang ng suspect at natunton nila si Santo sa Malabon kung saan nagtatrabaho ito bilang Construction worker.
Hunyo ng 2010 nang magkaroon ito ng warrant of arrest dahil sa kasong panggagahasa pero kaagad umalis ng Leyte si Santo at nanirahan sa Maynila upang makahanap ng trabaho.
Pilit namang iginigiit ni Santo na wala siyang ginawang masama at hindi aniya niya pinagsamantalahan ang bata na noo’y labing-apat na taong gulang pa lamang.
Galit lang daw sa kaniya ang ina ng biktima na kinasama rin niya noon kaya siya idinidiin sa kaso.
Kaya naman daw siya umalis sa Leyte ay natakot umano siyang makulong.
Nakatakda namang sampahan ng kasong rape si Santo.
=== end ===
Ulat ni Earlo Bringas