Lalaking nangikil ng Php 100,000 sa NBI clearance applicant, arestado
Huli mismo sa loob ng NBI Headquarters sa Maynila ang lalaking nangikil sa isang NBI clearance applicant ng Php 100,000.
Ikinasa ng NBI-Special Action Unit ang entrapment operation sa suspek na si Mark Endaya Cabal matapos ireklamo ng biktima ng extortion.
Ayon sa biktima, inakala niya na empleyado ng NBI si Cabal na nasa labas ng NBI Clearance Building dahil nakasuot ito ng NBI polo shirt kaya pinagtanungan niya ito kung saan kukuha ng NBI clearance.
Inalok anya siya ni Cabal na tutulungan sa pagkuha ng NBI clearance.
Matapos ang ilang saglit, sinabi ni Cabal sa biktima na makaraang i-check ang records nito sa NBI ay mayroon itong pending drug case at arrest warrant laban dito.
Binantaan naman ni Cabal ang biktima na aarestuhin ito kung hindi magbibigay ng Php 100,000.
Bumalik sa sumunod na araw ang biktima para ibigay ang Php 40,000 kay Cabal.
Hindi nasapatan ang suspek kaya patuloy na binalaan ang biktima na hindi lamang ito makukulong kundi maaaring mapatay pa sa kanyang pagkakasangkot sa iligal na droga.
Humingi naman ng isang linggo ang biktima para makakalap ng karagdagang Php 60,000.
Lumapit na ang biktima sa NBI para maghain ng reklamo laban kay Cabal.
Dito na ikinasa ng NBI ang operasyon para mahuli ang suspek na pumayag na makipagkita sa biktima sa parking lot ng NBI Headquarters.
Agad na dinakip ng mga tauhan ng NBI-SAU si Cabal matapos na tanggapin ang entrapment money.
Nakumpiska rin mula sa suspek ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng iligal na droga.
Nabatid pa ng NBI na mayroong na ring mga reklamong robbery/extortion at estafa laban kay Cabal.
Iniharap na sa inquest proceedings sa piskalya ang suspek kung saan ipinagharap ito ng mga reklamo.
Moira Encina