Lalawigan sa Vietnam nagdeklara ng state of emergency dahil sa tagtuyot
Libu-libong katao sa Vietnam ang dumaranas ng isang “malubhang” kakulangan ng fresh water dahil sa tagtuyot at salinisation, na nagtulak sa mga awtoridad na magdeklara ng isang state of emergency.
Ang isang linggong heatwave ay nagdulot ng tagtuyot at ‘saline intrusion’ sa isang lugar sa lalawigan ng Tien Giang, 60 kilometro (37 milya) sa timog ng Ho Chi Minh City business hub.
Partikular na lubhang naapektuhan ang lugar sa Tan Phu Dong province na may 12 kilometrong baybayin sa kahabaan ng South China Sea.
Sinabi ng Vietnam News Agency, na ang salinisation o pagpasok ng tubig-alat mula sa dagat, ay lubhang nakaapekto sa mga pananim at libu-libong kabahayan sa lugar na may 43,000 kataong naninirahan.
Dahil dito ay isang state of emergency dulot ng kakulangan ng fresh water para sa domestic use ang inanusniyo sa Tan Phu Dong district.
Kapag dry season, ang matagal na kakulangan sa tubig at saline intrusion sa Tien river ay nagiging sanhi upang ang mga komunidad dito ay mapaligiran ng maalat na tubig.
Ang Mekong Delta ay nahaharap sa saltwater intrusion bawat taon, ngunit ang labis na init ng panahon at pagtaas ng lebel ng tubig sa dagat, na kapwa dulot ng climate change, ay nagpapataas pa sa panganib.
Ang pananaliksik na inilathala noong nakaraang buwan ay nagsabi na ang Mekong delta ng Vietnam, na nagbibigay ng pagkain at kabuhayan para sa milyung katao, ay nahaharap sa halos $3 bilyong pagkalugi sa pananim bawat taon dahil mas maraming tubig-alat ang tumatagos sa mga lupang taniman.
Ayon sa naturang pag-aaral na isinagawa ng Water Resources Science Institute na nasa ilalim ng environment ministry, humigit-kumulang 80,000 mga ektarya ng palayan at taniman ng prutas ang maaaring maapektuhan ng salinisation.
Noong 2016, kung kailan nangyari ang pinakamalalang tagtuyot sa loob ng 100 taon, 160,000 mga ektarya ng lupa ang naapektuhan ng salinisation .