Landslides, naitala sa Cordillera Region; Ilang pangunahing kalsada, isinara sa mga motorista
Sarado sa mga biyahero at motorista ang ilang pangunahing kalsada na nag-uugnay sa siyudad ng Baguio at ilang daan na patungo sa ilang lalawigang ng Cordillera Region dahil sa landslide dulot ng patuloy na pag-ulan na dala ng bagyong Fabian at Habagat.
Sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Cordillera Autonomous Region (CAR), isa sa may pinakagrabeng insidente ng landslide ay sa Barangay Taloy Sur, Tuba Benguet-Aspiras Palispis Highway o mas kilala na Marcos Highway.
Stranded simula pa kagabi ang mga sasakyan dahil sa naturang landslide sa lugar.
Agad namang isinagawa ng DPWH ang clearing operation sa apektadong kalsada kung saan pinayagan nang makadaan ang mga sasakyan nguni’t one-lane passable lamang dahil maaari pa rin magdulot ng panganib na dala ng mga debris.
Sa ngayon, kinukumpirma pa ang impormasyon na may dalawang sasakyan ang natabunan sa naturang pagguho.
Patuloy din ang clearing operation sa may Bubon Virac – Kisad Road sa Itogon kung saan nagkaroon din ng soil erosion.
Sa La Trinidad, Benguet, pansamantalang pinalikas ang ilang residente na naapektuhan ng pagguho ng lupa at pagragasa ng malaking volume ng tubig dulot ng magdamag na pag-ulan.
Nagkaroon din ng landslide sa bahagi ng Camp 5 sa Kennon Road, Tuba, Benguet kung saan natabunan ng makapal na putik at bato ang buong kalsada.
Ilan pa sa mga kalsada na idineklarang one-lane passable dahil sa soil erosion ay kinabibilangan ng Benguet-Nueva Vizcaya Road, Loacan-Itogon Benguet Road, Bobok-Bisal-Bokod, Baguio-Bontoc Road, Piko-La Trinidad, Abra-Kalinga Road at Kalinga-Pinukpok Road.
Nag-abiso ang mga awtoridad na maaaring mabuksan sa two-way lane ang mga kalsadang nabanggit kapag totally cleared na ang mga daan at wala nang panganib para sa mga motorista.
Samantala, pinapag-iingat ng mga opisyal ang lahat ng mga biyahero na maging alerto sa kanilang mga dinaraanan dahil may mga parte ng kalsada at kabundukan na may posibilidad ang pagguho dahil sa patuloy na nararanasang pag-ulan.
Freddie Rulloda