Lapu-Lapu City Hall of Justice pansamantalang sarado hanggang December 23 matapos magpositibo sa Cvod-19 ang limang kawani
Inilagay sa lockdown ang Lapu-Lapu City Hall of Justice hanggang sa December 23 dahil sa limang positibong kaso ng COVID-19.
Sa memorandum na pirmado ni Executive Judge Joseph Stephen Ignacio, sinabi na una nang iniutos na pansamantalang isara ang Branch 27 ng Lapu-Lapu City Regional Trial Court hanggang sa December 15 matapos magpositibo sa COVID ang isang empleyado.
Gayunman, apat na iba pang kawani ng nasabing hukuman ang nagpositibo rin sa virus batay sa partial swab test results na inilabas ng city health office.
Ang mga nasabing court employees ay may direct contact at close relationship sa iba pang mga staff ng Lapu-Lapu City Hall of Justice at mga korte sa Hoops Dome.
Dahil dito, ipinagutos na rin na isara pansamantala ang buong hall of justice at Hoops Dome para maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID.
Isasailalim sa thorough disinfection ang mga nasabing gusali at magsasagawa ng extensive contact tracing at swab testing habang nakalockdown ang lugar.
Tuloy pa rin ang trabaho ng mga kawani mula sa kanilang tahanan at mga pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing kung aplikable.
Moira Encina