Large-scale estafa inihain sa DOJ laban sa mag-asawa sa Ormoc City
Inireklamo ng large-scale estafa sa Department of Justice (DOJ) ang mag-asawa na naka-base sa Ormoc City.
Ang reklamo ay inihain ng isang negosyante sa Cebu.
Sa pulong balitaan ni Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng complainant na si Michelle Lim Go-Chu, kinilala ang mga ipinagharap ng reklamong estafa na sina Lorenzo at Jerlyn Baltonado na may-ari ng L.M. Baltonado Construction, Inc (LMBC).
Aniya, ang mag-asawa ay business contractor sa Ormoc City na kadalasang humahawak sa mga proyekto ng gobyerno.
Sa complaint-affidavit ni Go-Chu, sinabi na ang kaso ay kaugnay sa mga utang na ipinagkaloob niya sa mag-asawang Baltonado simula pa noong 2016 para makatulong sa kanilang puhunan sa negosyo.
Inihayag ni Elamparo na si Go-Chu at ang mga Baltonado ay mayroong long-standing personal at business relationship.
Pumayag ang kaniyang kliyente na pumasok sa written loan agreement sa mag-asawa dahil may tiwala ito sa dalawa.
Noong 2018 aniya ay pinalawig ang construction business ng LMBC at nagkaroon pa ng dagdag na pagkakautang ang mga Baltonado kay Go-Chu.
Nag-isyu naman ng tseke ang complainant sa mag-asawa pero pagdating ng 2021 at 2022 ay hindi na nakabayad ang mag-asawa.
Nabatid din ni Go-Chu na ginamit ng mag-asawa ang kaniyang pangalan at mga inisyung tseke para makakuha pa ng dagdag na mga mula sa ibang creditors tulad ni Kaiser Christopher Tan..
Kinansela naman ng complainant ang mga tseke na kaniyang inisyu kabilang ang mga nai-endorso na ng mag-asawa kay Tan.
Naglabas din ng Stop Payment Order (SPO) si Go-Chu sa mga bangko.
Sinabi ni Elamparo na hindi maaaring papanagutin ang kaniyang kliyente sa kasong estafa na isinampa ni Tan dahil ang mga tseke ay hindi kinilala ng bangko dahil sa inilabas na SPO at hindi dahil sa kakulangan ng pondo.
Aniya, ang mga kasong isinampa ni Tan laban sa kaniyang kliyente ay ibinasura na ng korte dahil sa kawalan ng merito.