Launching ng SRP sa mga bigas, sinimulan na ng NFA sa malalaking pamilihan
Sa Commonwealth market, Quezon City isinagawa ang ceremonial launching ng Suggested Retail Price (SRP) para sa mga bigas.
Ayon kay National Food Authority (NFA) spokesperson Gerry Imperial, lilibutin din nila ang mga malalaking pamilihan sa Metro Manila at isusunod naman nila ang iba’t-ibang mga rehiyon.
Paliwanag ni Imperial, local at imported rice ang magiging general classification ng bigas sa mga pamilihan.
Sa imported Well-milled rice, 39 piso ang magiging SRP kada kilo habang ang Premium Well-milled rice na may 5 percent broken grains ay nasa 40 piso kada kilo ang SRP, pero kapag 2 percent lamang ang broken grains ay mas mahal ang presyo na nasa 44 piso ang kada kilo.
Sa local o Philippine rice naman sinabi ni Imperial na sa regular milled rice ay 39 piso ang SRP kada kilo, well milled rice ay nasa 42 ang kada kilo at Premium local rice na nasa 37 ang kada kilo.
Pero wala aniya silang inilaan na SRP para sa mga special at fancy rice kung saan kabilang dito ang malagkit na bigas, aromatic o mabangong bigas at mga colored rice dahil limitado umano ang suplay nito at kakaunti ang ani.
Umapila naman ang NFA official ng suporta at pang-unawa sa publiko sa pagtatakda nila ng SRP upang maiwasan na ang kalituhan sa mga pangalan o mis-labeling sa mga bigas kaya minabuti nila aniyang gawing simple na lamang ang classification ng mga ito.
“Ito ay pagbabago para sa kapakanan ng mga mamimili at isa sa layunin nito ay maalis na ang mis-labeling na isa sa mga sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga bigas at hindi naman totoong mga fancy o special rice. So, suporta lamang at pang-unawa kahit alam namin na hindi lahat ay masisiyahan dito pero tinitiyak ng pamahalaan na ito ay para kapakanan ng nakararami”.