Lebel ng tubig sa La Mesa dam, nanatiling steady sa nakalipas na 24 oras
Nananatiling steady ang lebel ng tubig sa La Mesa dam.
Sa panayam ng Radyo Agila-DZEC, sinabi ni Pag-Asa Hydrologist Edgar Dela Cruz, kaninang alas-6:00 ng umaga, nasa 86.52 meters ang lebel nito.
Magkagayunman, sinabi ni Dela Cruz na kung pagbabatayan ay ang mga nakalipas na araw, nananatili pa ring mahina ang pressure ng tubig lalu na ang mga sineserbisyuhan ng Manila Water.
Bumaba naman ng 0.35 meters o katumbas ng 1 foot ang lebel ng tubig sa Angat dam na nasa 191.49 meters kaninang umaga.
Wala namang nakitang pagbabago sa water elevation ng Ipo dam na nasa 101.02 meters habang ang Ambuklao dam naman sa Benguet ay bumaba ng 0.34 meters na nasa 748.59 meters sa ngayon.
Bahagya ring bumaba ng 0.11 meters ang San Roque dam na nasa 258.60 habang steady naman ang Binga dam na nasa 573.21.
Bahagya ring bumaba ang Pantabangan dam nasa 198.07 meters habang umangat naman ng kaunti ang water elevation ng Magat dam na nasa 168.83 meters.
Umakyat rin ng 0.12 meters ang lebel ng tubig sa Kaliraya dam na nasa 286. 77 meters sa ngayon.
Umaasa ang Pag-Asa sa bagyong darating sa buwan ng Mayo na makatutulong para madagdagan ang tubig sa La Mesa dam.
“Sa Metro Manila, yung sineserbisyuhan ng Manila Water kung ano yung status nila for the past 1 week, maaaring halos ganun pa rin. Pero may inaasahan kaming pag-ulan sa Mayo baka makatulong sa La Mesa dam at unti-unti na tayong makarekober”. – Pag-Asa Hydrologist Edgar Dela Cruz