Legal assistance program para sa PLHIV na nakararanas ng diskriminasyon, inilunsad
Hinimok ng gobyerno at ng ibat-ibang NGOs ang people living with HIV o PLHIV na humingi ng tulong at huwag mahiya o matakot kapag sila ay nakararanas ng stigma o diskriminasyon.
Ang panawagan ay ginawa sa paglulunsad ng legal assistance program para sa PLHIV na tinatawag na Community Access to Redress and Empowerment o CARE Program.
Ayon sa grupong TLF Share, layunin ng kanilang CARE Program na makapagbigay ng legal advice, counseling at mediation sa mga taong nakararanas ng HIV-related stigma, harrassment, bullying at threat.
Ilan sa mga dinadanas na diskriminasyon ng PLHIV ay ang mga paglabag sa kanilang employment rights at pag-deny sa access sa medical care.
Sa ngayon ay may tinutulungan ang programa na apat na kaso ng stigma at diskriminasyon na tatlo ay labor case at ang isa ay physical threat.
Pwedeng ma-access ang CARE Program sa pamamagitan ng kanilang Facebook page sa @onlinelegalcare kung saan doon maaaring magpadala ng mensahe ang PLHIV.
Pinili ng TLF Share ang nasabing online platform dahil ito ang pinaka accessible sa mas maraming tao lalo na sa mga kabataan.
May 17 CARE officers na nakatalaga sa ibat-ibang bahagi ng bansa para tumugon sa mga katanungan mula sa apektadong PLHIV communities.
Aminado si Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na bagamat may HIV law na ay nagpapatuloy pa rin ang social stigma sa PLHIV na nagiging hadlang para humingi ang mga ito ng tulong.
Umaasa si Vergeire na marami ang magtitiwala sa CARE program upang hindi lamang matulungan ang kanilang sarili kundi maging kasangkapan din para sa pagbabago.
Nanawagan din si Justice Assistant Sec. Margaret Castillo- Padilla sa PLHIV na dumadanas ng stigma na magsalita upang matuldukan ang diskriminasyon at mapanagot ang mga nasa likod nito.
Tiniyak din ng DOJ na suportado nito ang laban para mahinto ang stigma sa PLHIV at handa rin itong magbigay ng legal na tulong sa mga biktima.
Moira Encina