Legal custody sa 1,000 dayuhang na-rescue mula sa Las Piñas POGO company, inilagay sa BI –Remulla
Nasa legal custody na ng Bureau of Immigration ( BI) ang nasa 1,000 dayuhan na nagtatrabaho sa sinalakay na POGO company sa Las Piñas City noong Hunyo.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na nagkasundo ang DOJ at PNP na isailalim sa kustodiya ng BI ang mga banyaga dahil sa paglabag sa mga kondisyon sa kanilang working visas.
Pero mananatili ang mga ito sa compound ng kumpanya dahil hindi kasya ang mga ito sa BI detention facility.
Ayon sa kalihim, hihilingin din ng DOJ na ilagay ang mga dayuhan sa blacklist ng BI upang hindi na sila makabalik ng bansa.
Nakikipagtulungan naman aniya sa DOJ ang mga embahada ng mga bansa para sa repatriation o deportasyon ng mga mamamayan nila.
Inihayag naman ni Remulla na kinansela na ng PAGCOR ang lisensya ng sinalakay na POGO.
Bukas, Miyerkules ay nakatakdang simulan ng DOJ panel of prosecutors ang pagdinig sa reklamong human trafficking laban sa limang Chinese na sinasabing mga boss ng ni-raid na POGO firm.
Moira Encina