Legal issues dapat munang maresolba bago maituloy ang joint oil at gas exploration ng PH at Tsina– DFA
Ipinunto ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may “significant legal issues” na dapat munang maikonsidera bago umusad ang joint oil at gas exploration ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang sinabi ng DFA kasunod ng pahayag ni dating Chinese Ambassador to the Philippines Liu Jianchao na sana ay maikonsidera ng Marcos Administration ang joint exploration sa WPS.
Si Jianchao ang kasalukuyang Minister of the International Department ng Central Committee of the Communist Party of China.
Nagpunta sa Pilipinas si Jianchao para sa tatlong araw na working visit.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, ini-acknowledge nila ang pahayag ni Jianchao partikular ang pagkilala nito na may mga legal na balakid bago maipagpatuloy ang nasabing aktibidad.
Sinabi ni Daza na tulad nang dati, ang DFA ay ginagabayan ng Saligang Batas ukol sa exploration, development at utilization ng mga likas na yaman na matatagpuan sa loob ng exclusive economic zone, continental shelf at hurisdiksyon ng Pilipinas.
Kaugnay nito, ikinatuwa aniya ng DFA ang pagtatalaga ng Department of Energy (DOE) kina dating Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno bilang co-chairs ng Law and Energy Advisory Panel ng DOE na gagabay sa legal process.
Moira Encina